May napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na papalit sa puwesto ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Benjamin Madrigal.
Magreretiro sa serbisyo si Madrigal sa darating na September 24, mas maaga ng apat na araw dahil ang mandatory age retirement niya ay sa Sept. 28 pa na siyang kaarawan nito.
Sa panayam kay Madrigal, kaniyang sinabi wala silang authority para ianunsiyo kung sino ang susunod na AFP chief kaya ipinauubaya ito Malacañang.
Una nang sinabi ni Madrigal na lahat ng mga 3 star generals ang inirekomenda na siyang pagpipilian ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging pinuno ng AFP.
Para kay Madrigal, ang susunod na AFP chief ay “updated” sa mga maiinit na isyung tinutugunan lalo na ang problema sa insurgency, terrorism, mapa-sa national at international.
Siniguro nito na ang papalit sa puwesto niya ay qualified para pamunuan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Kumpiyansa naman si Madrigal na ipagpapatuloy ng next AFP chief ang kanilang sinusundang road map.
Naniniwala ang outgoing AFP chief na matutuldukan na rin ang problema sa teroristang Abu Sayyaf sa Western Mindanao bago magtapos ang taon.
Sa kabilang dako, bukas si Madrigal na magtrabaho muli lalo na kung siya ay mabigyan ng pagkakataon.
Pero ayon sa heneral, pagkatapos niyang magretiro sa military service ay nais muna niya makapiling ang kaniyang pamilya.