Sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na maaari umanong maliit lamang na bahagi ng mas malawak na iregularidad sa flood control projects ang natuklasang ghost projects sa Bulacan.
Ayon kay Estrada, ang mga alegasyon ng guni-guning flood control projects sa lalawigan ay maaaring “tip of the iceberg” lamang at malaki ang tsansang marami pa silang madidiskubre sa mga susunod na pagdinig.
Giit pa ni Estrada, ang mga imbestigasyon na isinasagawa—hindi lamang sa Senado—ay hindi dapat limitado sa Bulacan kundi dapat ding sumaklaw sa iba pang probinsya, lalo na yung mga nakatanggap ng pondo kahit hindi naman kilalang flood-prone na mga lugar.
Aniya, posibleng may ilang opisyal ng gobyerno na sangkot sa maanomalyang transaksyon at maaari ring ibunyag ng mga kontraktor kung sinu-sino sa mga pulitiko ang kanilang pinapaboran.
Maaari rin aniyang magtagal at posibleng umabot pa sa sampung pagdinig ang ikakasa ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.