Itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 5 sa apat na lugar matapos lumakas ang bagyong Uwan at tuluyang maging super typhoon.
Batay sa 8 a.m. weather bulletin ng PAGASA, ang mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 5 ay ang mga sumusunod:Polillo Islands, Hilagang bahagi ng Camarines Norte (Daet, Talisay, Paracale, Vinzons, Jose Panganiban, Mercedes, Basud), Silangang bahagi ng Camarines Sur (Siruma, Caramoan, Garchitorena, Tinambac, Lagonoy), Catanduanes.
Mga Lugar sa Ilalim ng Signal No. 4: Silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan, Calauag, Guinayangan, Perez, Alabat, Quezon), Natitirang bahagi ng Camarines Norte at Camarines Sur, Silangang bahagi ng Albay (Rapu-Rapu, Bacacay, Tabaco City, Malilipot, Malinao, Tiwi, Polangui).
Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 3 ang malaking bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, at ilang bahagi ng Eastern Visayas.
Nasa ilalim ng Signal No. 2 ang natitirang bahagi ng Cagayan, Ilocos Norte, Occidental at Oriental Mindoro, Romblon, Masbate, Samar, Biliran, at hilagang bahagi ng Leyte.
Nasa Signal No.1 naman ang Batanes, Calamian at Cuyo Islands, ilang bahagi ng Visayas, Guimaras, Iloilo, Negros, Cebu, at mga isla sa Caraga Region.
Ayon sa PAGASA, huling namataan si Uwan sa layong 125 km silangan-hilagang silangan ng Virac, Catanduanes bandang 7:00 a.m.
Taglay nito ang hangin na umaabot sa 185 km/h malapit sa gitna at bugso hanggang 230 km/h, habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 km/h.
Nagbabala ang ahensya na posibleng magdulot ng malalakas na hangin at matitinding pag-ulan si Uwan, kahit sa mga lugar na malayo sa mismong landfall area.
Inaasahang makakaranas ng storm surge na may taas na higit 3 metro ang mga mabababang baybayin ng: Cagayan, Isabela, Ilocos Region, Aurora, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Quezon, Bicol Region, Northern Samar, Eastern Samar, Dinagat Islands, Siargao, at Bucas Grande Islands.
Ayon sa PAGASA, ito ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay at pinsala sa mga baybaying komunidad.
Inaasahan ng PAGASA na dadaan ang mata ng bagyo malapit sa Catanduanes ngayong umaga at magla-landfall sa Aurora bandang Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw.
Posibleng tuluyang humina ang bagyo pagdaan sa kabundukan ng Northern Luzon, ngunit mananatili pa rin itong nasa kategoryang typhoon.
Pagsapit ng Martes, inaasahang lalabas si Uwan sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ngunit muling papasok sa hilagang-kanlurang bahagi ng PAR sa Huwebes, tatawirin ang Taiwan, at tuluyang lalabas sa Biyernes ng umaga.
Ilang klase sa Lunes, Nobyembre 10, 2025, ay suspendido sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Nagpapatupad din ng mga flight cancellations at precautionary measures ang ilang ahensya sa mga paliparan at pantalan.
Pinapayuhan ang publiko na patuloy na mag-monitor sa mga opisyal na abiso, iwasan ang pagpunta sa baybayin, at maging alerto sa posibleng pagbaha at landslide dulot ng malalakas na ulan at storm surge.










