-- Advertisements --

Patuloy na binabantayan ang isang low pressure area (LPA) na namataan sa layong 225 kilometro hilagang-hilagang silangan ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan.

Samantala, nakaaapekto naman ang shear line sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon, habang ang Amihan o Northeast Monsoon ay umiiral sa natitirang bahagi ng rehiyon.

Dahil dito, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan at pagbugso ng hangin sa mga apektadong lugar.

Sa labas naman ng Philippine Area of Responsibility (PAR), isang tropical depression ang namataan sa layong 1,370 kilometro silangan ng Hilagang-Silangang Mindanao.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Dahil sa trough o extension ng naturang bagyo, inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang mga lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na ito na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga mabababang lugar at bulubunduking bahagi.