(Update) BACOLOD CITY – Dinala na sa orphanage ang isang bagong silang na sanggol na iniwan sa gate ng isang bahay sa isang subdivision sa lungsod ng Bacolod.

Una rito, pasado alas-2:00 ng madaling araw kahapon nang madiskubre ng may-ari ng bahay sa Gardeniville Subdivision sa Brgy. Tangub ang isang plastic na isinabit sa gate ng kanilang bahay dahil sa walang tigil na pagtatahol ng kanilang aso.

Lumabas ng bahay ang may-ari at tiningnan ang laman ng plastic at nadiskubreng isa pala itong sanggol na babae.

Kinaumagahan ay dinala ito sa barangay na kaagad namang isinangguni sa Police Station-8.

Tinutukan na ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Police Station-8 ang nangyari sa sanggol at nagdesisyon sila na dalhin na lang muna ito sa Sto. Niño Orphanage sa lungsod.

Patuloy namang tinutunton ng mga otoridad ang ina na nag-iwan sa sanggol.