Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang bagong Minors Travelling Abroad (MTA) Help Desk sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Ang hakbang na ito ay naglalayong magbigay ng agarang tulong at impormasyon sa mga menor de edad na naglalakbay patungo sa iba’t ibang bansa.
Ito ang ikalawang MTA Help Desk na itinayo sa loob ng NAIA complex, kung saan ang una ay matatagpuan sa NAIA Terminal 3.
Inaasahan na ang bagong help desk na ito ay magsisilbing mahalagang katuwang, lalo na ngayong papalapit na holiday season, kung kailan mas dumarami ang mga naglalakbay.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD, ang pangunahing layunin ng MTA Help Desk ay upang agarang matugunan ang mga katanungan at pangangailangan ng publiko hinggil sa travel clearance ng mga batang naglalakbay nang mag-isa o kaya naman ay hindi kasama ang kanilang mga legal na magulang.
Maliban sa mga MTA Help Desks na matatagpuan sa NAIA Terminal 1 at 3, mayroon ding mga katulad na tanggapan sa iba pang pangunahing paliparan sa bansa, kabilang na ang Clark International Airport, Mactan-Cebu International Airport, at Davao International Airport.
Hinihimok at pinapayuhan ng DSWD ang lahat ng mga magulang at legal na guardian na planong magpalakbay sa kanilang mga anak na mag-apply para sa travel clearance nang mas maaga hangga’t maaari.
















