Nananatiling mabagal pa rin sa ngayon ang validation process ng Department of Health (DOH) sa resulta ng mga isinasagawang COVID-19 tests.
Sa virtual hearing ng House Committee on Health, sinabi ni Dr. Althea De Guzman ng epidemiology bureau ng DOH na makalipas ng ilang buwan ay inaabot pa rin ng 10 hanggang 12 araw pagproseso ng data sa confirmed COVID-19 cases bago ito mailabas sa publiko.
“We are experiencing challenges in ensuring that our data is real-time. We would like to relay that we would like to achieve as close to real-time data as possible,” ani De Guzman.
Ang turnaround time ay inaabot kadalasan aniya ng pito hanggang 10 araw, habang dalawang araw naman ang ginugugol para maibigay sa mga local government units (LGUs) COVID-19 test results.
“From the time of onset until the time we see the confirmation of the confirm cases the average day is around 12 days,” ani De Guzman.
“Much of the data is paper based so it has to go through several channels,” Ddagdag pa nito
Aminado si De Guzman na malaking hamon para sa kanila na makuha ang real-time data dahil paper-based ang documents at maraming tanggapan pa itong pinagdadaanan.
Pinuna ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan, chairman ng komite, ang mabagal na proseso na ito lalo pa at naibigay naman aniya sa DOH ang sapat na pondo na kinakailangan nito matapos na naipasa ang Bayanihan to Heal as One Act.
Inirekominda ng kongresista na palakasin ng DOH ang kanilang IT system para sa mas mabilis na proseso.
Pero ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasalukuyang binubuo na ang COVID KAYA, kung saan katuwang ng DOH ang World Health Organization.
Ang COVID Kaya ay isang case at contact tracing reporting system para sa epidemiology at surveillance officers, health care providers at laboratory-based users.
Nakikipag-ugnayan din aniya ang DOH sa pribadong sektor para lalo pang mapalakas ang kanilang COVID-19 IT system para magawang realtime ang pagpapahatid ng impormasyon patungkol sa COVID-19 cases.