-- Advertisements --

Patuloy ang pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang sapat na pagkain, maayos na trabaho, at inklusibong pag-unlad para sa mga Pilipino.

Ginawa ni Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan ang pahayag kasunod ng ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Binigyang diin ng kalihim na ang pag-angat ng ekonomiya ay resulta ng mga pagtutulungan ng pamahalaan sa unang semestre ng 2025, na inaasahang magpapatuloy hanggang sa maisakatuparan ang Philippine Development Plan 2023-2028.

Idinagdag pa nito na mahalagang maramdaman ng mga Pilipino ang pagbuti ng ekonomiya.

Bagama’t may pag-unlad, hindi dapat maging kampante at dapat pabilisin ang serbisyo publiko, lalo na sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, agrikultura, at mga batayang serbisyo.

Sa kabila ng mga hamon, bumuti ang estado ng bansa, kung saan umabot sa 5.7% ang GDP noong 2024 kumpara sa 5.5% noong 2023.