DAGUPAN CITY – Dead on Arrival sa pagamutan ang isang 52 anyos na babae matapos itong mabangga habang patawid sa kalsada sa lungsod ng Urdaneta.

Ang biktima ay kinilala na si Emy Mica, 52 anyos na residente ng Zone 5, Brgy. Anonas habang ang driver na nakabangga rito ay kinilala na si Reynaldo Suyo, 49 anyos, na residente mula sa lungsod ng Quezon.

Ayon sa imbestigasyon, patawid sana ang biktima sa may Manila North Road partikular na sa harapan ng BIR Office sa kahabaan ng Zone 7 Brgy. Anonas nang ito ay mabangga ng Van na minamaneho ng driver matapos itong mag overtake sa outer lane kung nasaan ang biktima.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang biktima ng humigit kumulang 20 metro.

Agad naman itong dinala sa pagamutan subalit hindi na umabot pa ng buhay.

Nagtamo rin ng pinsala ang sasakyan partikular sa harapan nitong bumper at windshield.