Inaresto ng mga awtoridad ang isang babae sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija matapos siyang mahulihan ng P1.65 million na cash sa isang Comelec checkpoint, ayon sa Police Regional Office III (PRO3) nitong Linggo.
Nasabat ang salapi nitong Sabado sa Barangay Poblacion West, kung saan napansin ng pulisya ang bahagyang nakabukas na eco-bag na may lamang P1,000 bills. Inamin ng suspek na P1.65 million ang laman ng bag.
Mahaharap ang babae sa kasong paglabag sa Section 28 ng Comelec Resolution No. 11104, na nagbabawal sa pagdadala ng higit sa P500,000 sa loob ng dalawang araw bago ang halalan at sa mismong araw ng eleksyon, maliban kung may awtorisadong pahintulot.
Ayon kay PRO3 Director Brig. Gen. Jean Fajardo, seryoso ang direktiba na tiyaking malinis, patas, at ligtas ang Halalan 2025.
Sa kabuuan, higit 400 na ng vote-buying, vote-selling, at pang-aabuso sa pondo ng gobyerno ang natanggap ng Kontra Bigay Committee ng Comelec kaugnay ng Midterm Election 2025.