CEBU CITY – Kritikal ang isang babaeng matapos na inararo ng armored car sa Colon St., lungsod ng Cebu kaninang umaga.

Kinilala ang driver ng armored car na si Ricardo Hernando Sabellano, Jr., 37, habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng biktima na isang Muslim

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu news team kay Alvin Gealon, traffic enforcer ng Cebu City Transportation Office, sinabi nitong galing sa isang pharmacy ang biktima at nang tumawid ito sa kalsada ay naabutan ito ng armored car.

Ayon kay Gealon na pumailalim sa nasabing armored car ang biktima at pinagtutulongan na lang diumano ng mga taong dumadaan sa area na igalaw ang sasakyan upang makuha ang babae.

Dahil sa malakas na impact ay natuklap ang balat ng biktima mula sa ilong hanggang sa ulo nito.

Base sa mga saksi, sinasabing mabilis umano ang takbo ng armored car kaya naabutan nito ang tumatawid na biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang nasa ospital ang biktima at nasa kustodiya na rin ng mga pulis ang driver.