-- Advertisements --

Iginiit ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Ping Lacson na dapat nang palayain ang mga ayuda program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa maling paggamit nito ng mga pulitiko simula 2026. 

Ito’y matapos aniyang maabuso noong nagdaang mga eleksyon. 

Sa deliberasyon sa panukalang pondo ng DSWD para sa 2026, binigyang-diin ni Lacson ang malalaking pagtaas ng AICS allotment tuwing election years, partikular noong 2022 at 2025. 

Tumaas ng 68.8 porsyento ang pondo—mula P23.56 bilyon noong 2021 tungo sa P39.76 bilyon noong 2022.

Gayundin, mula 2024 hanggang 2025, tumaas ang pondo ng humigit-kumulang 30 porsyento—mula P34.27 bilyon tungong P44.44 bilyon.

Samantala, kinuwestiyon din ni Lacson ang pagdaraos ng malalaking pagtitipon para sa distribusyon ng ayuda kung saan present ang mga mambabatas—na nagiging political event at nagpapalakas ng patronage politics.

Sa ilang pagkakataon, aniya, pinipilit pa umano ang DSWD na magpakita ng malaking turnout sa ganitong mga pagtitipon tuwing election season.

Binanggit din ni Lacson ang insidente sa Iloilo City kung saan iniulat ng mga residente na karamihan ng kanilang P10,000 DSWD cash aid ay kinuha ng mga indibidwal na konektado sa personnel ng barangay at city hall matapos ang payout.

Sa ilan pang kaso, wala raw magawa ang mga residente dahil baka hindi sila maisama sa susunod na distribusyon.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat hayaang ipatupad ng mga personnel ng DSWD ang mga ayuda program nang walang panghihimasok ng mga pulitiko upang hindi ito magamit para sa patronage politics.