KORONADAL CITY – Dismayado ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa inilabas na autopsy report ng Kuwaiti Government sa totoong dahilan ng pagkamatay ng Pinay domestic helper na tubong Norala, South Cotabato.
Sa isinagawang press conference sa bahay ng pamilya Villavende sa Brgy. Tinago, tinawag ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na isa umanong malaking kasinungalingan at wala raw kwenta ang inilabas na autopsy report ng gobyerno ng Kuwait sa pagkamatay ng 26-anyos na si Jeanelyn Villavende.
Ayon kay Sec. Bello, hindi umano malinaw ang report ng Kuwait sa tototong ikinamatay ng biktima, dahilan kung bakit nakipag-ugnayan ito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng re-autopsy.
Dahil dito, muling isinailalim sa autopsy ni Dr. Richardo Rodaje, head ng Medico Legal ng NBI ang bangkay ni Jeanelyn nitong Huwebes nang dumating ito sa South Cotabato.
Dito umano ipinaabot ng doktor na malayong-malayo ang resulta ng report ng Kuwait sa naging resulta ng autopsy ng NBI.
Ipinangako rin ni Bello sa pamilya Villavende na hindi titigil ang gobyerno hangga’t di nabibigyan ng hustsiya ang nasabing OFW.
Sa ngayon, hinahantay na lang ni Bello ang opsiyal na report galing kay Dr Rodaje upang malaman ang susunod na hakbang ng Pilipinas sa kaso ni Villavende.
Napag-alaman na personal na binisita ni Sec Bello at ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Atty. Hans Leo Cacdac ang lamay ni Villavende.