Binanatan ni dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag magmalinis sa isyu ng flood control anomaly at korapsiyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa spox hour ni Atty. Roque ngayong Sabado, Oktubre 4, sinabi ni Atty. Roque na dawit umano ang Pangulo.
Isa sa mga tinukoy ni Atty. Roque na umano’y pinakamalapit na ebidensiya ay ang paghahatid ng limpak-limpak na salapi sa Aguado residence sa harapan lamang ng Malacañang.
Matatandaan, una ng ibinunyag ng surprise witness na dating sundalo at dating security consultant ng nagbitiw na si Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co na si Master Sergeant Orly Regala Guteza na personal siyang naghatid ng mga maleta na naglalaman ng milyun-milyong halagang cash na tinawag na “basura” sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez kabilang na sa Aguado residence.
Subalit, maaalalang ang Pangulo mismo ang nag-inisyatibo na imbestigahan ang korapsiyon sa mga proyekto matapos madiskubre na nalustay lamang ang bilyun-bilyong halaga ng kaban ng bayan sa “ghost projects” at mga iregularidad.