Isinagawa ngayong araw, ika-18 ng Setyembre ang kauna-unahang preliminary investigation kaugnay sa reklamong inihain ng kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Kung saan dinaluhan ito mismo ng mga complainants at ilang mga respondents sa kasong murder, kidnapping with serious illegal detention at iba pa.
Kabilang sa mga inaakusahan sangkot sa pagkawala ng mga sabungero ay ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang, aktres na si Gretchen Barretto at nasa 60 mga indibidwal.
Ngunit sa isinagawang preliminary investigation sa Department of Justice ng panel of prosecutors, hindi dumalo rito si Atong Ang.
Kung saan bigo itong makadalo sa unang pagharap sa prosekusyon sa kadahilanang hindi pa umano handa ang isusumiteng dokumento.
Paliwanag ng kanyang abogadong si Atty. Gabriel Villareal, kulang raw ang panahon para maisumite nila ang counter-affidavit matapos makatanggap ng subpoena kamakailan.
Habang ang aktres namang si Gretchen Barretto ay personal na dumalo at iprinesenta ang sarili sa prosekusyon.
Kanyang isinumite ang counter-affidavit upang kontrahin ang alegasyon sangkot umano ang aktres sa pagkawala ng mga sabungero.
Ngunit tumanggi munang magbahagi ng kanyang kumento o karagdagang pahayag si Gretchen Barretto hinggil sa kaso.
Samantala, iginiit naman ng kanyang abogado na wala umanong sapat na ebidensya ang akusasyon ibinabato sa aktres.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga kulang ang basehan makapagpapatunay na may kinalaman si Gretchen Barretto ukol sa isyu ng pagkawala.
Ang panig naman ng kaanak ng mga nawawalang sabungero ay umaasang lalabas na ang katotohanan hinggil sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.