Ikinokonsidera ng Malacañang na maliban sa PCR o swab test ay posibleng gamitin ang antigen test para malaman kung positibo ang isang indibidwal sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, sa ngayon ay may pilot testing nang ginagawa sa Baguio City gamit ang antigen test.
Ayon kay Sec. Roque, sa sandaling maging matagumpay ang pagsubok na ginagawa sa kasalukuyan sa antigen test ay baka maaari nang ipalit ito sa PCR o swab test.
Halos kapareho umano ito ng rapid test pero mas mataas ang accuracy.
Maliban dito, sa loob lamang ng 15 hanggang 30 minuto ay makukuha na ang resulta ng antigen test at sinasabing mas murang hindi hamak kaysa sa PCR test.
“Pero mayroon na po tayong nagagawang pilot ngayon sa Baguio na Antigen test na lamang. Ito po ay swab din, pero nilalagay sa isang contraction na halos kapareho ng rapid test. Kaya nga lang po ang hinahanap ay iyong virus pa rin at mataas po iyong accuracy niya kung iko-compare sa rapid test,” ani Sec. Roque.