-- Advertisements --

Pinawi ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles ang pangamba ng mga kritiko ng Anti-Terrorism Bill matapos itong batikusin dahil sa umano’y unconstitutional provisions na nilalaman nito.

Sa isang virtual press conference, sinabi ni Nograles na may safeguard measures na nakalatag sa ilalim ng panukala na kanilang isinusulong para matiyak na hindi maabuso ang pagpapatupad nito sakaling maging ganap na batas.

Kabilang sa mga contentious provisions ng panukala ang warrantless arrest at 14-day detention sa umano’y suspected “terrorist”, at pagtatag ng isang anti-terror council na siyang magtutukoy sa kung ano ang maituturing bilang act of terrorism at mag-uutos sa kung sino ang dapat arestuhin kahit walang warrant.

Iginiit ni Nograles na ang panukalang ito, na pitong taon nang nakabinbin sa Kongreso, ay salig sa Saligang Batas.

Sinasabi lamang kasi aniya sa Section 18, Article VII ng Konstitutsyon na kailangan palayain ang sinumang maaresto sa panahon na suspendido ang privilege of the writ of habeas corpus, o tuwing martial law, tatlong araw matapos itong arestuhin pero hindi pa nakakasuhan.

Dahil dito, iginiit ni Nograles na hindi kaagad maaresto ang mga suspected terrorist, na nagbabalak na maghasik ng karahasan sa bansa.

“Dahil hindi po suspendido ang writ of habeas corpus, isinasabatas po natin na during this times iyong mga tao na suspected of wanting to commit or meron talagang actual plan na mag-commit ng terrorism dito sa ating bansa, or sa labas ng ating bansa at ginagamit ang ating bansa bilang HQ, ay maari nating i-detain,” paliwanag ni Nograles.


Pero ang mga karapatan aniya ng mga maarestong suspected terrorist tinitiyak niyang magagalang sa ilalim ng kanilang panukala.

“Ang detention po na ito ay mayroon pong mga safeguards. Ang safeguards na iyan ay: ang pinakamalapit na huwes – RTC, or maski na MTC- kailangan po na ma-inform sila na mayroong na-detain dahil sa suspension or acts of terrorism,” ani Nograles.

“Iyong na-detain na tao, kailangan pong bigyan ng abogado. Kung mayroon siyang abogado -dapat may access siya-  at kung wala siyang abogado ay bibigyan siya ng public attorney. And this lawyer, or the public attorney assigned to this detained na tao, ay maaring lumapit to any court, regional trial court para humingi ng: number 1, habeas corpus dahil hindi suspendido ang writ of habeas corpus at; number 2. puwde rin sila humingi ng writ of habeas data para tanungin kung ano ba ang katotohanan dito,” dagdag pa nito.

Nilinaw din niya na ang panukalang ito ay hindi kontra aktibista kundi sa karahasan na hatid ng mga terorista.

“We want activism. We promote activism. Ang toto nga dito ang bill na ito ay dahil sa mga aktibista. Gusto natin na ang mga aktibista ay mabigyan ng mapayapang paraan para mag-campain ng mga reforms sa ating bansa.”