Ibinida ng Pentagon na tatagal ng dalawang taon bago muling mabuksan ng Iran ang kanilang nuclear program ito’y kasunod ng ginawang pambobomba ng Estados Unidos sa tatlong nuclear facilities ng Iran.
Sinabi ni Pentagon spokesperson Sean Parnell na ayon sa intelligence na natanggap ng U.S. Department of Defense, “na-degrade” umano ang programa ng Iran ng isa hanggang dalawang taon.
Magugunita na gumamit ang U.S. military ng higit isang dosenang 30,000-pound bunker-buster bombs at mahigit dalawang dosenang Tomahawk cruise missiles upang targetin ang tatlong nuclear sites ng Iran, kabilang ang Fordow site.
Gayunman, may mga eksperto at opisyal ng United Nations ang nagsabing maaaring naitago o nailipat na ng Iran ang kanilang nakaimbak na highly enriched uranium bago paman ang pag-atake.
Ayon kay U.N. nuclear watchdog chief Rafael Grossi, posible pa rin umanong makapag-produce ang Iran ng enriched uranium sa loob lamang ng ilang buwan.
Bagamat sinabi ni U.S. Defense Secretary Pete Hegseth na wala siyang natatanggap na ulat ukol sa paglipat ng uranium ng Iran, tinukoy naman ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na malubha ang naging pinsala sa Fordow nuclear site.