-- Advertisements --

Nilagdaan ni US President Donald Trump ang isang executive order na nagtatakda ng layunin ng Estados Unidos na muling makapagpadala ng mga astronaut sa buwan bago matapos ang 2028.

Nilalayon din nitong palakasin ang defense ng bansa laban sa mga banta sa kalawakan.

May pamagat na “Ensuring American Space Superiority,” ang kautusan kung saan nag-aatas sa Pentagon at US intelligence agencies na bumuo ng space security strategy, suportahan ang missile-defense technologies, at pabutihin ang koordinasyon ng national security sa kalawakan sa ilalim ng chief science adviser ng White House.

Pinagtibay rin ng kautusan ang programa ng NASA na Artemis, na layong magtatag ng mga unang bahagi ng permanenteng lunar outpost pagsapit ng 2030.

Napagalaman na ang target na 2028 moon landing ay bahagi ng kompetisyon ng US laban sa China, na naglalayong magpadala ng unang crewed mission sa buwan sa 2030.

Gayunman, nahaharap ang plano sa mga problema dahil sa pagkaantala ng mga pangunahing proyekto, partikular ang SpaceX Starship, pati na rin ang pagbawas sa budget at bilang ng mga empleyado ng NASA.