Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang polisiyang ipinapatupad laban sa terorismo.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6875, na naglalayong amiyendahan ang Human Security Act of 2007.
Sa ilalim ng panukalang ito, paparusahan ang sinuman ang magmungkahi, mag-udyok, makipagsabwatan o makibahagi sa training, pagpaplano, paghahanda, mangunguna sa isang terrorist act, gayundin ang magre-recruit ng mga sasali sa isang terrorist organization.
Nakasaad sa panukala na sinumang lalabag dito ay paparusahan ng 12 taon na pagkakakulong.
Sinuman ang mapatunayang guilty sa makipagsabwatan sa mga terorista ay papatawan ng habangbuhay na pagkakakulong at hindi rin maaring bigyan ng parole.
Hangad din ng panukalang ito na magkaroon ng hurisdiksyon ang Pilipinas sa mga Filipino nationals na sasali o lalaban sa ilalim ng mga terrorist organizations sa labas ng bansa
Bukod dito, tinitiyak din na hindi magagamit ng mga foreigner ang Pilipinas bilang kuta sa kanilang pagpaplano at pagsasanay sa bagong mga recruits na sasabak sa terrorist attacks sa ibang bansa.
Inaalis ng panukalang ito ang probisyon na nagtatakda na kailangan bayaran ng P500,000 bilang danyos sa kada araw na pagkakakulong ng mga taong mapawalang sala sa kasong terorismo.
Maari namang makulong sa loob ng 14 na araw kahit walang warrant, na maari pang mapalawig ng hanggang 10 pang araw, ang mga suspected terrorists.