Kinumpirma ng Department of Agriculture na matapos nilang ilunsad ang pagbebenta ng abot-kayang bigas sa iba’t ibang sektor ng lipunan, nakatakda na ring umarangkada sa darating na Setyembre 16, 2025 ang pagpapalawak ng programang ito upang maabot ang sektor ng transportasyon, partikular na ang mga tricycle at jeepney driver.
Layunin ng hakbang na ito na magbigay ng tulong sa mga manggagawa sa transportasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa mas murang bigas.
Sa isang pahayag, sinabi ni DA Spox. Assistant Secretary Arnel De Mesa na patuloy ang kanilang mahigpit na koordinasyon sa Department of Transportation (DOTr) upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Ito ay sa kabila ng mga pagbabago sa liderato ng DOTr, kasunod ng paglilipat ni Secretary Vince Dizon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang patuloy na pagtutulungan ng DA at DOTr ay nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagtulong sa sektor ng transportasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Assistant Secretary De Mesa na tanging ang mga rehistradong miyembro lamang ng mga kinikilalang organisasyon ang maaaring makinabang sa programa.
Ang mga indibidwal na kabilang sa sektor ng transportasyon na may minimum wage at nakatala sa mga opisyal na record ng mga organisasyon ang siyang mga kwalipikadong benepisyaryo ng nasabing programa. Ito ay upang masiguro na ang tulong ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan.