Sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad na dumaan sa bansa, patuloy na nagsasagawa ng mga paghahanda ang Philippine Army upang agad matugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Colonel Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, ibinahagi nito na ang mga major units ng kasundaluhan ay may mga itinatag na emergency response companies at disaster response units sa mga kritikal na lugar.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, sinabi ni Dema-ala na binibigyang-prayoridad ng Philippine Army ang pagsasanay at pagpapabuti ng mga kagamitan upang mabilis na makapagbigay ng ayuda at suporta sa oras ng pangangailangan.
Anita, tinututukan din nila ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, kasama ang mga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), upang masiguro ang mabilis na pagtugon sa mga kalamidad.
Samantala, pinuri naman nito ang patuloy na pagtitiwala ng mga mamamayan sa kanilang serbisyo.
Sa kabila ng mga hamon, sinisiguro ng hukbong katihan na hindi sila titigil sa pagtulong at patuloy sa kanilang misyon na pagpapalakas ng komunidad at payapang bansa.