-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Dahil sa nababahala na mabiktima sa itinatagong mga kasangkapang paggawa ng bomba, isinumbong na ng mga residente ang anti-personnel mines (APM) depot sa New People’s Army (NPA) na ibinaon sa bukiring bahagi ng Brgy. Maasin, bayan ng Esperanza, Agusan del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay 1Lt. Roel Maglalang, Civil Military Operations officer ng 23rd Infantry “Masigasig” Battalion, Philippine Army, natagpuan ang nasabing depot dahil sa tip ng mga residenteng pagod na raw sa patuloy na pangingikil, pag-recruit, manipulasyon pati na umano ang hindi makataong aktibidad na ginagawa ng nasabing grupo sa kanilang barangay.

Sa pagresponde ng mga otoridad, kanilang narekober ang 11 mga containers ng ammonium nitrate; dalawang blasting caps; 205 mga rounds cartidges ng 7.62mm ball; limang magazines sa M14 rifle; isang rolyo ng firing wire; mga damit na isyu sa NPA at mga subersibong dokumento.

Inihayag ng opisyal na ang naka-container na mga ammonium nitrate ay gagamitin umano ng Sub-Regional Sentro de Grabedad (SRSDG) SAGAY at Sub-Regional Committee (SRC) 3, North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) sa paggawa ng 60 mga anti-personnel mines.

Dagdag pa ng opisyal, mariing ipinagbabawal ang mga improvised explosive devices (IEDs) dahil hindi lamang ang pwersa ng pamahalaan ang maaring tamaan nito kundi pati na ang mga inosenteng sibilyan kagaya ng mga magsasaka.