-- Advertisements --

Nahaharap ngayon sa seryosong mga kasong kriminal at administratibo ang aktres at kasalukuyang Barangay Captain ng Barangay Longos, Malabon na si Angelika dela Cruz, kasabay ng kanyang kandidatura bilang bise-alkalde ng lungsod sa darating na halalan.

Isinampa sa Office of the Ombudsman ang mga kaso laban kay Angelika, kabilang ang kasong plunder o pandarambong na may halagang hindi bababa sa P70 million mula sa pondo ng barangay.

Bukod dito, humaharap din siya sa 62 counts ng malversation of public funds, 18 counts ng failure to render accounts, at illegal use of public funds, na pawang paglabag sa mga probisyon ng Revised Penal Code. Dagdag pa rito ang 64 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) dahil sa umano’y mga hindi maipaliwanag na paggastos, nawawalang kagamitan, at kuwestiyonableng paggamit ng pondo ng barangay.

Kabilang din sa mga inihaing administrative complaints laban kay Angelika ang diumano’y pagpapabaya sa kanyang tungkulin bilang punong barangay, madalas na pagliban nang walang kaukulang official leave, at hindi awtorisadong pagpapasa ng kanyang mga tungkulin sa kanyang kapatid na si Erick dela Cruz, isang barangay kagawad.

Kasama rin sa mga kinasuhan ang barangay treasurer at si Erick, na kapwa kapatid ni Angelika. Ang treasurer ay sinampahan ng failure to render accounts at illegal use of public funds, habang si Erick naman ay nahaharap sa kasong grave misconduct.

Matapos lumabas sa media ang balita tungkol sa mga kasong isinampa laban sa kanya, agad na naglabas ng saloobin si Angelika sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Lunes, Abril 28, 2025. Sa kanyang post, ipinahayag niya ang pagkadismaya sa maruming taktika sa politika at ang kanyang pag-aalala sa sariling kaligtasan.

‘Grabe tlg ang politics pag hindi nila nakuha ang gusto nila sa siraan next step kakasuhan ka naman nila… haayyy baka sa susunod nyan ipapatay nyo ako ah,’ ani Angelika.

Sa ngayon, patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang isyu habang papalapit ang eleksyon ngayong midterm election.