-- Advertisements --

Nanginginig at hindi makapaniwalang nag-rank 2 ang 22-anyos mula sa Bayan ng Loon, Bohol sa inilabas na resulta ng 2025 Master Electricians Licensure Examination.

Si Roy Germy Calamba na nagtapos sa Bohol Island State University – Calape Campus sa kursong Bachelor of Science in Industrial Technology major in Electrical Technology ay nakakuha ng 83.50% rating.

Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Calamba, masayang ibinahagi nito na bago pa man ang Board Exam, isa sa mga naging inspirasyon nito ay ang pagbisita sa bawat simbahan upang taimtim na magdasal na isang susi din para makamit ang naturang tagumpay.

Bagama’t mahigit isang oras ang lalakbayin mula sa inuuwian patungong review center na nasa Tagbilaran City, hindi pa umano ito naging hadlang para mag Rank 2.

Kwento pa ng binata na ang ama na lamang nito ang natitira matapos binawian ng buhay ang kanyang ina noong ito’y 5 buwan pa lamang matapos ipanganak.

Simula noon, ang kanyang lolo’t lola na ang nagpalaki sa kanya dahil nagtatrabaho din naman ang kanyang ama kaya naman tinutulungan din niya ang mga ito sa kanilang sakahan.

Naniniwala naman ang Boholano na ang susi sa tagumpay ay taimtim na panalangin, matibay na pananampalataya, dedikasyon sa pag-aaral, disiplina sa sarili at pagpapakita ng pagnanais ng puso sa hangarin ng iyong pangarap.

Sa ngayon, aniya ay lalasapin muna nito ang kanyang natamong tagumpay kasama ang mga taong humubog sa kaniya mula pagkabata hanggang sa ito’y maging isang ganap na propesyonal samantalang bukas din aniya ito sa lahat ng mga oportunidad at trabaho na pwedeng pasukan.

Payo naman nito sa mga gustong tahakin ang Master’s Electrician na magtakda o higitan pa ang mga layunin sa buhay, at laging unahin ang Poong Maykapal sa gitna ng lahat ng mga desisyon sa buhay.