-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng BAN Toxics ang publiko na gawing toxic-free at waste-free ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ngayong taon.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Thony Dizon, advocacy and campaign officer ng BAN Toxics, sinabi nito na mahalaga na maging mapanuri at responsable sa mga dekorasyon at mga regalong ibinibigay upang maiwasan ang mga produktong may kasamang mga nakalalasong kemikal at matinding epekto sa kalikasan.

“Ang isa sa namomonitor natin dito ay halos karamihan sa mga decorations ay gawa sa plastic, kung saan di rin natin alam kung ito ay nagtataglay ng mga nakalalasong kemikal. Lalung lalo na kung ang mga pakete o labeling ng mga decorations ay hindi makita o mabasa kung ano yung ingredients o sangkap,” wika pa ni Dizon.

Mahalaga aniyang tiyakin kung ang mga dekorasyon ay maaari pang gamitin at kung may mga natatanggal na bahagi tulad ng pintura ay kailangan ng alisin at ihiwalay.

Kung bibili naman ng mga bagong dekorasyon, mariing ipinapayo ng grupo na piliin ang mga eco-friendly materials upang masiguro na ang mga ito ay ligtas sa kalusugan at hindi makakadagdag sa problema ng waste pollution.

Paalala pa ni Dizon na kung bibili ng mga Christmas lights o dekorasyon, tiyakin na ito ay may ICC o PS mark,upang matiyak na ang mga Christmas lights at dekorasyon ay dumaan sa tamang pagsusuri at may kalidad

“Mainam na para makatipid tayo, mag reuse tayo mag repurpose ng dati ng decorations. Ikalawa, mas piliin ang eco-friendly materials insteadsa decorations na gawa sa plastic. Kung tayo naman ay bibili o gagamit ng anumang Christmas lights o decorations, mainam na sundin ang paalala ng dti na piliin yung may ICC o PS mark,” dagdag pa nito.

Bukod dito, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging maingat sa mga panregalo, lalo na sa mga laruan na ibinibigay sa mga bata, at higit sa lahat, maging responsableng konsyumer ngayong Kapaskuhan.