Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit nilang minomonitor ang mga suspek na nahaharap sa kasong malversation through falsification at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga nasasakdal si Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction.
Ayon sa DILG, kapag naipadala na ang warrant of arrest, agad itong ipatutupad upang dalhin sa korte ang mga sangkot.
Kaugnay nito, inihayag rin ng Philippine National Police (PNP) na seryosong tinutugunan nila ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y ghost project. Sinabi ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na handa ang pulisya na magsagawa ng warrant execution at tumulong sa pag-iimbestiga.
Hinihikayat din ng PNP ang publiko, lalo na ang may direktang kaalaman sa kaso, na makipagtulungan sa mga awtoridad.
















