Nakatakdang maglabas ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng mas marami pang freeze order laban sa assets at bank accounts ng mga sangkot sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay AMLC executive Director Matthew David, hindi pa tapos ang konseho dahil nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon nito sa mga kahina-hinalang account.
Aniya, may inaasahang panibagong freeze orders subalit hindi pa niya tiyak kung ito ay mailalabas ngayong linggo o sa susunod na linggo.
Kamakailan lamang din aniya inilabas ang pang-limang freeze order. Kinabibilangan ito ng mga bank accounts, insurance policies, motor vehicles, real properties at e-wallet accounts.
Matatandaan, lumagda na rin ang konseho kasama ang binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na Independent Commission on Infrastructure (ICI) sa isang kasunduan para palakasin pa ang kooperasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga maanomaliyang proyekto.