Reading Time: 1 minute

Hindi naniniwala ang dating aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Sen. Bong Go na magagawa nitong ipa-ambush si Daan Bantayan Mayor Vicente Loot.

Ayon kay Go, maaaring nagbibiro lamang o kaya ay nagbibigay ng babala ang chief executive para sa mga alkaldeng sangkot sa maling gawain.

Giit ng senador, malabong ipa-ambush ng Pangulo si Loot, kahit ano pa man ang kinasasangkutan nitong usapin.

Duda rin ang mambabatas na sasabihin ito ng presidente sa harap ng publiko, kung seryoso man ito sa bantang pananambang.

“Hindi iyon gagawin ni presidente. At hindi nya ‘yun aaminin in public kung siya ang gagawa noon,” wika ni Sen. Go.

Samantala sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mali lang ang naging pag-unawa ng media sa pananalita ng Pangulo dahil sa hindi raw sanay magsalita ng Tagalog ang chief executive.