Inihayag ng Department of Justice na posible umanong madagdagan pa ang mga tatayong testigo sa International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ito mismo ang kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crsispin Remulla kasunod ng kanyang pahayag hinggil sa mga tetestigo na ipapadala sa The Hague, Netherlands.
Sa kasalukuyan kasi base sa kanyang mga ibinahagi, mayroong tatlo (3) hanggang apat (4) na mga indibidwal ang kanilang tinutulungan at hindi umano malabong ito’y madagdagan pa.
Kaya’t kanyang tiniyak na makakaasa umano ang International Criminal Court na patuloy silang makikipag-ugnayan kung mayroon itong hihilingin pa sa kanila.
Ngunit paglilinaw naman niya na walang pormal na dokumento o papeles ang ipinadala ng ICC sa koordinasyong isinasagawa sa pagitan ng kagawaran at naturang korte sa ibang bansa.
Dahil dito ay muling iginiit ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tama lamang na ipinaubaya ng bansa ang kaso ni former President Duterte sa ICC.
Paliwanag kasi niya na mahirap ng mabuo pa ang kaso sa bansa lalo pa’t binura na umano ang mga makapagpapalakas sa kaso laban sa dating pangulo.
Kaugnay pa rito, binigyang diin naman ni Justice Secretary Remulla na walang ‘conflict’ sa pakikipagtulungan ng kagawaran sa International Criminal Court.
Aniya’y bahagi ito nang ipaubaya ng Pilipinas ang hurisdiksyon nito sa naturang kaso kaya’t ang naturang korte sa ibang bansa ang may hawak na nito.
Kaya’t naniniwala siya na kailangang makipagtulungan ng bansa sa pag-usad ng kasong kinakaharap ni former President Rodrigo Roa Duterte buhat ng siya’y dalhin tungo sa The Hague, Netherlands.
Dahil dito, tiniyak ng naturang kagawaran na kanilang seseguraduhin ang kaligtasan sa buhay ng mga tatayong testigo laban sa dating pangulo.