-- Advertisements --

Iginiit ng isang eksperto pagdating sa saligang batas ng bansa na dapat umanong masimulan na ang nakatakda sanang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jennifer Arlene Reyes, binigyang diin niya na nakasaad sa konstitusyon ng Pilipinas na ito’y kinakailangang gawin upang agarang litisin na ang ikalawang pangulo.

Ani kasi niya na sa ilalim ng Article 11 ng 1987 Philippine Constitution, nakapaloob rito ang mandato na dapat isagawa agad ang isang impeachment proceedings na inihain sa Senate Impeachment Court.

Kaya’t kanya pang mariin na paniniwala na ang pagproseso sa paglilitis o impeachment proceedings laban sa kasalukuyang bise presidente ng bansa ay posibleng maisakatuparan ngayong 19th Congress.

Ito ay sa kabila ng ilan araw na lamang ay siyang magtatapos na at papasok ang panibagong kongreso ng 20th congress.

Ngunit aniya’y kung hindi ito kayang matapos sa pagtatapos ng buwan, kanya ring ibinahagi na dapat umanong ipagpatuloy ng susunod na kongreso ang pagsasagawa ng impeachment trial.

Kaya naman sa atin pang pagtatanong, nilinaw ng naturang eksperto sa saligang batas na ang kongreso ay may dalawang opsyon hinggil sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Una rito ay ang isauli muli sa senado na tumatayo bilang impeachment court ang ni-remand na ‘Articles of Impeachmen’ nang sa gayon ay tuluyan na itong masimulan.

Kung saan ito’y maaring maipagpatuloy sa pagpasok ng 20th congress sa kadahilanang marahil kulanganin na sa oras o panahon ang kasalukuyang kongreso.

Ngunit gayunpaman, aniya’y kabilang rin sa opsyon ang desisyon na kung hindi na nais o gusto ng susunod na kogreso na maipagpatuloy pa ang pagsasagawa ng impeachment trial.

Kaya’t dahil dito’y maghihintay pang muli ng isang taon para lamang makapagsampa ng panibagong ‘impeachment complaint’ laban kay Vice President Sara Duterte.