BACOLOD CITY – Inaalam pa ng mga otoridad ang tunay na dahilan sa pagsunog ng isang lalaki sa kanilang bahay kung saan nadamay ang anak nito sa Bago City, Negros Occidental, kahapon ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Rolin Alpar, 24-anyos at John Gabriel, apat na taong gulang ng Purok Tuburan, Barangay Bacong, Bago City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major John Joel Batusbatusan, hepe ng Bago City Police station, inihayag nitong lumalabas sa imbestigasyon na plano talagang sunugin ni Alpar ang kanilang bahay dahil balak magpakamatay.

Bago ang insidente, may iniwan din itong video sa kanilang kapitbahay para sa kanyang misis na nagtatrabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia.

Dagdag pa ng hepe, pinalabas ni Alpar sa kanilang bahay ang kanyang anak ngunit nang makita ng bata na nasa loob pa ito ng nasusunog na bahay, bumalik ito.

Gawa sa light materials ang bahay kaya madali itong nilamon ng apoy.

Makikita sa eksena na niyayakap ng ama ang kanyang anak.

Isa sa tinitingan ng mga pulis ay mayroong hindi pagkakaintindihan ang mag-asawa.