-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tinutugis na ng mga otoridad ang mga suspek sa pagpatay sa isang ama sa harap mismo ng kanyang bahay sa Purok Saturn, Barangay Handumanan, sa Bacolod City, kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay police Capt. Armilyn Vargas, station commander ng Bacolod Police Station 10, nagdiriwang ng kanyang 55th birthday ang biktimang si Jose Estaniel, at binyag ng kanyang anak, nang mangyari ang krimen.

Ayon sa kanya, pagkatapos ng selebrasyon ay nagpaiwan si Estaniel sa mesa sa labas ng kanilang bahay kasama ang kanyang bayaw na babae nang dumaan ang tinatayang apat na hindi pa nakikilalang suspek at binaril ito.

Dinala pa sa ospital si Estaniel ngunit binawian na ito ng buhay.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa tiyan at dibdib ang biktima.

-- Advertisement --

Sa ngayon patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa identity ng mga suspek at sa motibo ng krimen.

Ayon naman kay Tali Soriano, bayaw ng biktima, nakasuot ng mask na itim at jacket ang mga suspek at dalawa sa kanila ang may dalang sako.

Hinabol pa ito ng kaniyang mister at anak at binaril ngunit hindi sila natamaan.

Sumakay aniya sa kulay pula at walang plate number na Avanza ang mga suspek na tumakas.