-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration na posibleng dumating sa bansa ngayong linggo ang pangalawang batch ng mga OFWs na nag avail ng repatriation program ng gobyerno.

Ito ay dahil pa rin sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East partikular na sa pagitan ng Iran at Israel.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Py Caunan na binubuo ng nasa 50 OFWs ang pangalawang batch ng mga OFWs mula sa naturang bansa ang nagpahayag ng kagustuhan na bumalik ng bansa.

Ayon sa ahensya, sa ngayon ay hinihintay na lamang ng mga ito ang kanilang mga final flight details maging ang kanilang mga kinakailangang dokumento.

Ayon kay Caunan, inihahanda na rin ng kanilang tanggapan ang ikatlong batch ng OFWs na nasumite ng aplikasyon para sa repatriation.

Kaugnay nito ay muling binigyang diin ng ahensya na nakahanda ang gobyerno sa pagsasagawa ng paglikas sa mga Pilipino na nagtatrabaho at namamalagi sa Middle East para sa kanilang kaligtasan.