-- Advertisements --

Nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang ama ng estudyanteng responsable sa naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang pananagutan ito sa insidente, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Batay sa pahayag ni Remulla, mag-isang kumilos ang 15-anyos na Grade 8 student at walang kasabwat o grupong kasama sa pagpaplano ng naturang pag-atake. Dalawang estudyante ang nasawi sa insidente, kabilang ang mismong suspek na kalaunan ay nagbaril sa sarili.

Ginamit ng estudyante ang .40-caliber at 9mm pistols na pag-aari ng kaniyang ama na isang kawani ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, naiwan ang mga baril sa loob ng sasakyan na ginamit sa paghatid sa bata sa paaralan, dahilan upang makuha at madala ito sa loob ng campus.

Samantala, nilinaw ni Remulla na ang piskalya na ang magpapasya kung may pananagutan ang ama batay sa mga umiiral na batas at sa kalalabasan ng imbestigasyon. Bilang hakbang, pansamantalang tinanggal na ang opisyal sa kaniyang puwesto bilang district commander ng BOC Enforcement and Security Services sa Zamboanga Port habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.