Walang validated report ang Malacañang sa umano’y copycat threats kaugnay ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Dahil dito, tumanggi muna ang Palasyo na magbigay ng konklusyon dahil hindi pa beripikado kung mayroong credible threat laban sa mga paaralan.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, inatasan na ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng assessment kasama ang mga concerned government agencies.
Sa ngayon, sinabi ni Castro na mayroon nang umiiral na security measures at coordination mechanisms sa local level. Patuloy rin ang assessment depende sa sitwasyon sa bawat lugar.
Kung kinakailangan naman ng karagdagang nationwide measures o standardized school safety protocols, makikipagtulungan ang PNP sa Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), at iba pang concerned agencies.
Binigyang-diin ni Castro na nakatuon ang gobyerno sa maagap na pagtukoy at pagtugon sa anumang banta upang maiwasan ang kahalintulad na insidente ng school shooting sa Tacloban at Zamboanga City.
Gayunman, sinabi ni Castro na may ilang operational details na hindi muna maaaring isapubliko upang hindi makompromiso ang security measures at maiwasan ang hindi kinakailangang pag-aalala ng publiko.
















