Bahagyang bumagal ang Tropical Depression Neneng habang kumikilos pahilagang-kanluran sa karagatang silangan ng Taiwan, ayon sa PAGASA.
Ayon sa state weather bureau, taglay pa rin ng bagyo ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras.
Namataan ito sa layong 365 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Bagama’t ‘walang direktang epekto sa lagay ng panahon ay hinihila naman nito ang Southwest Monsoon o Habagat kung kaya’t nakakaapekto ng sama ng panahon sa buong bansa.
Nagbabala rin ang weather bureau na magdadala ang Habagat ng bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Davao Region mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes.
Posible rin ang malalakas na bugso ng hangin sa Biyernes sa malaking bahagi ng Luzon, Panay Island, Negros Occidental, Northern Samar at Davao Oriental.
Samantala, inaasahang makakaapekto ang pinalakas na Habagat sa Pangasinan, Zambales at Bataan mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng gabi.
Ayon sa PAGASA, posibleng magkaroon ng maramihang pagbaha, lalo na sa mabababang lugar at malapit sa mga ilog. Posible rin ang pagguho ng lupa sa mga lugar na apektado ng mga pag-ulan.
Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang dalawang tropical cyclone na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR)
Ang Tropical Depression, na dating tinukoy bilang LPA 08g, ay nananatiling nasa labas ng PAR sa layong 1,055 kilometro ng Extreme Northern Luzon.
Habang ang Tropical Storm “Saudel” na nasa silangan ng Northeastern Mindanao sa layong 2,980 kilometro.















