-- Advertisements --

Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat sa Luzon ngayong Biyernes, ayon sa PAGASA.

Patuloy namang mino-monitor ng state weather bureau sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA 08f, na dating tinukoy bilang bagyong Neneng, at LPA 08h.

Pareho silang may ”medium chance” na muling maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, nasa labas din ng PAR ang Severe Tropical Storm Saudel, na namataan sa layong 2,735 kilometro silangan ng Eastern Visayas.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 95 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 115 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Makakaranas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Batanes at Cagayan dahil sa Habagat.

Posible ang mga flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang minsang malakas na ulan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, maaari ring magkaroon ng isolated rain showers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.