Suportado ng House prosecution panel ang posibleng pagsasagawa ng Commission on Audit (COA) ng fraud audit sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, hiwalay ang fraud audit sa regular na audit ng COA na nagresulta sa notices of disallowance at kautusang ibalik ang P73 milyon na pondo ng OVP.
Sinabi ni Ridon na makatutulong ang fraud audit upang masuri pa ang mga transaksyon, dokumento at mga sinasabing pinagbigyan ng pondo.
Sa impeachment hearing, sinabi ni COA auditor Xylene Del Campo na wala pang isinagawang fraud audit at pinag-aaralan pa ito ng komisyon.
Maaari umano itong isagawa kung makikitang kinakailangan.
Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na may mga aktibidad na iniulat bilang paggamit ng confidential funds na isinagawa bago pa nailabas ang pondo.
Binigyang-diin niya na hindi maaaring gamitin ang confidential funds para bayaran o i-reimburse ang mga gastusing naganap bago mailabas ang pondo o mga gastusing saklaw na ng regular na pondo ng isang ahensya.
Inaasahang ilalahad ng prosecution panel sa susunod na linggo ang mga opisyal na sangkot sa pag-withdraw at paghawak ng confidential funds, kabilang sina OVP special disbursing officer Gina Acosta at dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda.
















