Nananatili pa rin sa iba’t ibang evacuation center sa Quezon City ang nasa 5,342 indibidwal o katumbas ng 1,655 pamilya nitong Miyerkules ng gabi kasunod ng malalakas na pag-ulang dulot ng hanging Habagat at Tropical Depression Neneng.
Ayon sa pamahalaang lungsod ng Quezon City, pansamantalang sumisilong ang mga apektadong residente sa mga itinalagang evacuation site mula sa mga lugar na madalas bahain at may banta ng pagguho ng lupa bilang pag-iingat sa patuloy na masamang panahon.
Patuloy namang nagpapaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga evacuee, kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa sitwasyon ng panahon at sa kalagayan ng mga komunidad sa buong lungsod batay sa kanilang inilabas na ulat dakong alas-9:00 ng gabi noong Miyerkules, Agosto 19.
Samantala, pinapayuhan ang mga residente na nangangailangan ng agarang tulong o emergency assistance na tumawag sa Quezon City Helpline 122.
















