-- Advertisements --

Sinabi ng pulisya sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes na may motibo ang estudyante ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) na pumasok sa paaralan para mamaril bago tuluyang kitilin ang sarili.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, sinabi ni Zamboanga City Police Director Police Colonel Fidel Fortaleza na isa sa mga tinitingnang angulo ng kanilang imbestigasyon ay kung paano nakapasok ang estudyante sa paaralan na bitbit ang dalawang lisensiyadong baril.

Liban dito, nagpakita umano ang Grade 8 student ng intensyong iwasan ang security checks para maipasok ang baril.

Batay kasi sa inisyal na imbestigasyon, isinakay ang estudyante sa isang pickup truck na may dalang bag na naglalaman ng mga baril.

Sa halip na dumaan sa main gate ng school kung saan may mga securty guard. Ibinaba siya sa ramp area, kung saan mas kaunti ang nakatalagang security personnel.

Dito na nakapasok ang estudyante at pumunta sa fourth floor ng gusali.

Kinumpirma naman ni AdZU Board of Trustees Chairman Pedro Rufo Soliven na ang naturang ramp ay karaniwang ginagamit ng mga persons with disability o mga estudyanteng may injury.

Sinabi rin niyang nasa 25 security guards ang nakatalaga sa iba’t ibang entry points ng paaralan.

Pagpasok sa Junior High School building, dumiretso umano ang estudyante sa fourth floor.

Una siyang nagpaputok ng baril sa Room 405, bago lumipat sa Room 404, kung saan tinamaan at nasawi ang kanyang schoolmate.

Pagkatapos nito, umakyat siya ng fifth floor at doon nagpakamatay.

Ayon sa pulisya, nakita mismo ng mga rumespondeng police officer ang insidente at sinubukan siyang kausapin upang ibaba ang baril.

Samantala, patuloy pa rin ang forensic examination ng cellphone ng estudyante.

Sinusuri rin ng pulisya ang posibleng pananagutan ng ama ng estudyante, na siyang may-ari ng isa sa mga baril.

Samantala, hindi pa makumpirma ng pamunuan ng Ateneo de Zamboanga University ang mga ulat na mayroon nang naunang banta sa paaralan bago ang pamamaril.

Ayon kay Soliven, patuloy pa nilang inaalam ang buong pangyayari at ayaw nilang maglabas ng impormasyon na hindi pa beripikado.