Hihigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang mga panuntunan para sa seguridad ng mga baril na inisyu sa mga pulis kasunod ng pamamaril sa loob ng Ateneo de Zamboanga University noong Martes, Agosto 18.
Ayon sa PNP, inatasan na ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga commander na paalalahanan ang mga pulis sa wastong pag-iingat at paghawak ng baril kapag sila ay off duty at nasa bahay. Hindi dapat na iwanan ang mga baril sa mga lugar na madaling ma-access ng mga bata.
Sinabi din ng hepe ng pambansang pulisya na dapat na isama ang mga paalala hinggil sa firearm accountability sa unit briefings at formations para mapataas ang kamalayan ng mga pulis at maiwasan ang mga insidente gaya ng hindi maayos na pagtatago ng baril.
Binigyang-diin ng PNP chief na maaaring magresulta sa pagkawala ng buhay ang kagyat na pagpapabaya. Kaugnay nito, sinabi ng heneral na suportado nila ang mas mahigpit na pananagutan sa mga gun owner at iginiit na “non-negiotiable” ang responsableng pagtatago ng mga baril.
Ginawa ng PNP chief ang naturang direktiba kasunod ng marahas na pamamaril kamakailan sa loob mismo ng paaralan sa Zamboanga kung saan ang ginamit na mga baril ng estudyanteng suspek ay mula sa kaniyang ama na isang Customs Police chief. Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na kinuha ng bata ang mga baril mula sa sasakyan ng kaniyang ama, kung saan nakatasilid ang mga baril.
















