-- Advertisements --

Isang empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto matapos umanong mangotong ng pera sa mga negosyante sa Mindanao gamit ang pangalan ng ahensya at ni NBI Director Melvin Matibag.

Ayon kay Director Matibag, ang suspek ay isang confidential agent ng NBI na job order employee.

Umano’y nag-iikot ito sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at nagpapakilalang inatasan ng NBI director para mangolekta ng pera bilang umano’y protection money mula sa ilang indibidwal at negosyo.

Dahil dito nagsagawa ng entrapment operation ang NBI matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang mataas na opisyal ng gobyerno sa Mindanao.

Ayon kay Matibag, umabot umano sa P1.7 million ang nakolekta ng suspek.

Giit ng NBI chief, wala siyang inatasang sinuman para mangolekta ng pera sa kanyang ngalan.

Naniniwala rin ang NBI na matagal nang ginagawa ng suspek ang umano’y pangongolekta, at may isa pa itong taong ginagamit sa Mindanao para tumulong sa pagkuha ng pera.

Kasama ring inaresto ang driver ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery extortion, usurpation of authority, at illegal possession of firearms.

Nagbabala naman si Director Matibag sa publiko laban sa sinumang gagamit sa pangalan ng NBI o ng kanyang tanggapan para sa ilegal na gawain.

Hinimok niya ang mga negosyante at iba pang indibidwal na agad i-report sa NBI ang sinumang nanghihingi ng pera o gumagawa ng demand gamit ang pangalan ng ahensya.