-- Advertisements --

Isang personalized cancer treatment na gumagamit ng mRNA technology ang nagpakita ng positibong resulta sa late-stage clinical trial, matapos mapababa ang posibilidad na bumalik ang melanoma tumors sa mga pasyenteng sumailalim sa operasyon.

Ang treatment na tinatawag na intismeran autogene ay binuo ng US drugmakers company na gumagamit ng parehong messenger RNA o mRNA technology na ginamit sa mga bakuna laban sa COVID-19.

Kasama sa pag-aaral ang 1,137 pasyente na sumailalim na sa operasyon para alisin ang kanilang cancer.

Ilan sa kanila ang binigyan ng intismeran autogene kasama ng pembrolizumab, habang ang natitirang mga pasyente ay tumanggap lamang ng pembrolizumab.

Ayon sa mga kumpanya, ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng positibong resulta ang isang mRNA-based cancer treatment sa isang late-stage clinical trial.

Tinawag ng ilang eksperto na isang “breakthrough” ang resulta, bagama’t sinabi nilang kailangan pa nilang makita ang kumpletong datos ng pag-aaral bago makagawa ng mas malinaw na pagsusuri.

Gumagana ang treatment sa pamamagitan ng pagkuha ng sample mula sa tumor ng pasyente at pagtukoy sa natatanging genetic mutations o “fingerprint” nito.

Gamit ang mRNA technology, tinuturuan nito ang immune system na kilalanin at labanan ang mga cancer cell.

Plano ng Merck at Moderna na iharap ang buong resulta sa isang international medical conference at magsumite ng aplikasyon para sa regulatory approval.

Bukod sa melanoma, pinag-aaralan din ang treatment para sa iba pang uri ng cancer, kabilang ang lung, bladder at kidney cancer.