Binawi ng dating sundalo at dating security aide ni dating Ako Bicol Party list Rep. Zaldy Co ang kanyang naunang testimonya na naghatid umano siya ng mga male-maletang pera sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kanyang bagong affidavit, sinabi niyang pinilit lamang daw siya para sabihing naghakot siya ng pera kay Romualdez kapalit umano ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Ayon kay Guteza, pinapunta umano siya sa isang Japanese restaurant malapit sa Senado nina Senator Rodante Marcoleta at dating AnaKalusugan Party list Rep. Mike Defensor kung saan naghihintay ang isang inihandang affidavit.
Sinabi niyang ang draft ng kanyang babasahing affidavit ay ginawa umano ng manugang ni Defensor na tinukoy lamang niya sa pangalang “Mark.”
Ayon pa kay Guteza, nakita niya mismo kung paano umano binasa at inayos ni Marcoleta ang draft ng affidavit.
Matatandaan na noong Setyembre 25, 2025, naging surprise witness si Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na pinamumunuan noon ni Marcoleta.
Sa kanyang unang testimonya, sinabi niyang bahagi siya ng security team ni Co na umano’y naghatid ng mga maletang pera para kay Romualdez.
Ngunit sa kanyang bagong affidavit, sinabi ni Guteza na bago ang pagdinig, pinaalalahanan pa raw siya ni Marcoleta na huwag lumihis sa kanyang naunang affidavit.
Nang matapos ang hearing at mawalan umano siya ng komunikasyon sa mga taong nangako sa kanya, sinabi ni Guteza na napagtanto niyang ginamit lamang siya.
Dahil dito, sinabi niyang pinagsisisihan niya ang kanyang naging bahagi at humingi ng tawad sa kanyang pamilya.
Ang binabawang salaysaly ni Guteza ay bahagi ng mga ebidensyang pinag-aaralan ng Office of the Ombudsman para sa posibleng isampang reklamo labay kay dating Speaker Romualdez.
Samantala, patuloy pang hinihintay ng Office of the Ombudsman magkaroon ng kopya ng bagong affidavit ni Guteza bago magbigay ng komento.
Bukod kay Guteza, apat pang dating security aides ni Zaldy Co ang una nang bumawi nang kanilang mga salaysay laban kay Romualdez at iba pang personalidad.
Patuloy pang nakikipag ugnayan ang Bombo Radyo para kuhain ang panig nina Sen. Marcoleta at Defensor hinggil sa mga alegasyon ni Guteza.
















