Nakapaglagak na ng piyansa si Peter Joemel Advincula dahil sa kinahaharap nitong kaso kaugnay ng pagkalat ng serye ng Bikoy videos na nagdadawit sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga.
Kasamang nagpiyansa ng P10,000 ni Advincula ang kanyang abogadong si Atty. Larry Gadon.
Base record ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 138 pito sa 10 akusado sa kasong conspiracy to commit sedition laban kay Advincula, Sen. Antonio Trillanes IV at siyam na iba pa ang nakapaglagak na ng piyansa.
Kabilang din sa mga kinasuhan sina Jonnell Sangalang, Yolly Villanueva Ong, Vicente Romano, JM Saracho, Boom Enriquez at isang “Monique” Fr Flaviano Villanueva, Fr Albert Alejo, at Eduarto Acierto.
Ang reklamo ay isinampa sa Quezon City Metropolitan Trial Court noong nakaraang linggo.
Nakasaad sa reklamo na nagpapakalat si Trillanes at ilang personalidad ng malisyoso at maling impormasyon o alegasyon para magalit ang taong bayan sa Pangulo.
Maalalang sa lumabas na video ni Bikoy, idinawit nito si Duterte maging ang pamilya niya sa iligal na droga.
Mayroon din umano itong naitagong financial records ng mga drug syndicate na mayroong ginawang deal sa Duterte family.