-- Advertisements --

Nagpahayag ng kaniyang pasasalamat si Department of Social welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa 22 ospital, pharmaceutical firms, medical suppliers at ilan pang distributors na sumailalim sa isang kolaborasyon kasama ang ahensya.

Ito ay para bigyang daan ang pagpapalakas ng paggamit ng guarantee letters (GL’s) na siyang magagamit ng publiko bilang suporta sa kanilang mga kakailanganing medical assistance.

Ayon sa kalihim, sa pamamagitan ng kolaborasyon na ito, maipagpapatuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga bulnerableng sector ng lipunan upang makayanan nila at malampasan ang kanilang mga kinakaharap na crisis.

Sa ilalim kasi ng partnership na ito, magagamit ang mga guarantee letters para magkaroon ng access ang mahihirap na sector ng lipunan sa medical care na siya namang pinansyal na sasagutin ng pamahalaan.

Layon nito na makapagbigay ng mas madali at mas mabilis na access sa medical na paangangailangan ang publiko lalo na ang ilang matatamaan ng mapinsalang krisis sa bansa.

Samantala, tiniyak naman ng DSWD na para sa mas epektibong implementasyon nito ay isasailalim na rin sa isang automation ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) kung saan maaari na nila itong magamit sa mga billing process sa mga ospital.