-- Advertisements --

Aminado ang kasalukuyang alkalde sa lungsod ng Maynila na hindi umano sapat ang kanilang mga isinasagawang declogging operations upang maresolba ang pagbaha.

Ito mismo ang inihayag ni Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso sa kanyang pag-inspeksyon sa paglilinis ng mga tauhan ng City Hall sa ilang kanal o drainage ng lungsod.

Aniya’y ang pagsasagawa kasi ng mga ganitong uri ng operasyon ay walang tiyak na pangmatagalang solusyon sa problemang kinakaharap ng lungsod.

Kung saan binigyang diin ni Mayor Isko Moreno ang kahalagahan sa pagkakaroon ng ‘general plan’ na siyang maari nilang maipatupad sa lungsod.

Kabilang aniya rito ang pagsasaayos ng mga pumping station sa Maynila upang magamit lalo na mga pagbahang nararanasan.

Ang ilan raw kasi sa mga ito ay bagama’t bago pa ay hindi naman nagagamit sapagkat tanging ang pumping station lamang ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang gumagana.

Kaya’t kanya pang idinagdag na ang kailangan ngayon umano ng lungsod ay ang ‘maintenance’ o pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng drainage o kanal sa Maynila.

Sa kabila nito’y ipinagmalaki naman ni Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang kapansin-pansing wala halos nagkalat na mga basura sa lungsod buhat ng magbaha.

Aniya’y bunga raw ito ng kanilang pagresolba at pagsasaayos ng pangongolekta ng mga ‘garbage truck’ sa mga basura sa Maynila.

Kanya ring pinasalamatan ang mga barangay sa lungsod dahil sa pagsunod ng mga ito na magsagawa ng ‘declogging’ sa kani-kanilang mga lugar.

Samantala, iniulat naman ng lokal na pamahalaan ng lungsod na humupa na ang mga baha sa Maynila.

Ito’y matapos maranasan ang ilang araw na halos walang tigil na pag-ulan kaya’t maari na ngayong madaanan ng mga motorista ang mga kalsada o lansangan sa lungsod.