alyas bikoy advincula
Peter Joemel Advincula alyas Bikoy during a press conference at Camp Crame

Kumambiyo ngayon at may bago na namang “script” si Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang siya si alyas Bikoy na umano’y nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist video”.

Sa kanyang pagharap sa press conference sa PNP headquarters sa Camp Crame nitong umaga, tinukoy ni Advincula na lahat ng kanyang mga isiniwalat sa video at paglitaw kamakailan sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) ay scripted lamang dahil ang nasa likod daw nito ay si Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Leila de Lima, Otso-Diretso, Liberal Party at iba pa upang siraan ang administrasyon.

Ginawa raw nila ito noong kapanahunan na bagsak sa surveys ang Otso-Diretso senatorial candidates at nakaangat ang mga kandidato na kaalyado ng administrasyon.

Note: Pls click above statement of Peter Joemel Advincula alyas Bikoy

Ayon kay Advincula, lahat din daw ng kanyang pag-uugnay sa pamilya Duterte pati na kay Senator-elect Bong Go ay pawang gawa-gawa lamang daw at walang katotohanan dahil bahagi ito ng tinaguriang “Project Sodoma” upang pabagsakin ang Pangulong Rodrigo Duterte.

Aminado si alyas Bikoy na hindi niya alam kung paniniwalaan pa raw siya ng publiko sa bagong niyang “kanta” dahil sa paiba-iba niyang mga pahayag.

Sa ngayon hindi umano “scripted” ang kanyang mga pagbubulgar.

Inamin din ni Joemel na ang paggawa nila ng Bikoy videos ay upang “i-boost” daw ang Otso-Diresto at babayaran daw siya ng P500,000.

Pero hindi na raw naibigay sa kanya ang bayad noong natatalo na ang mga kandidato.

bikoy albayalde advincula
PNP chief Gen. Oscar Albayalde

May iba pang mga pangalan na isinapubliko si Advincula, ilang pari o religious group, ilang unibersidad at condo unit kung saan siya itinatago raw ng grupo ni Trillanes.

Kung maaalala maging si Senate President Tito Sotto ay naglantad din ng mga ebidensiya kung paano nagpaiba-iba ng mga pahayag si Advicula at naglalako raw ng mga kuwento kahit noon pang Aquino administration.

Una rito, si Advincula ay sumuko kahapon sa Northern Police District (NPD) at saka na-turn over sa CIDG.

Kabilang daw sa dahilan ng kanyang pagsuko ay para magbagong buhay, konsensiya at sa takot niyang isusunod na ilikida.

Todo naman ang pag-sorry ni Advincula kay Pangulong Duterte at sa mga miyembro ng pamilya lalo sa anak ng Presidente na si Kitty na idinamay nila.

Note: Pls click above statement of Peter Joemel Advincula alyas Bikoy

Nitong araw ay iniharap ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde si Advincula sa mga kagawad ng media.

Nilinaw naman ng heneral na ang “burden of proof” ngayon ay nasa kay Advincula upang patunayan na totoo ngayon ang pinagsasabi.

Kasama namang nagsalita ni alyas Bikoy ang kanyang bunsong kapatid na si Joseph Advincula.

Bikoy advincula
Peter Joemel Advincula alyas Bikoy when he suddenly appeared at IBP office in Ortigas

Si Advincula ay may dalawang standing warrant of arrest sa Baguio at Benguet court dahil sa kasong estafa.

Sinasabing sangkot din ito sa kasong large scale illegal recruitment.