(Update) BACOLOD CITY – Ilang videos ang kinuha ng mister ng isang Overseas Filipino Worker(OFW) bago nito sinunog ang kanilang bahay kung saan siya nag-suicide kasama ang kanilang anak kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Fire Officer 4 Rudy Geroche, imbestigador ng Bureau of Fire Protection-Bago City, tatlong video ang kinuha ng nagngangalang Rolin Alapar gamit ang kanyang cellphone kung saan sinabi nito sa kanyang misis sa Saudi Arabia na magpapakamatay na lamang ito kasama ang kanilang apat na taong gulang na anak.

Sinabi ni Alapar sa naturang video na mayroong ibang lalaki ang kanyang misis at sinabihan niya ito na huwag nang umuwi sa Purok Tuburan Dos, Barangay Bacong, Bago City, sa halip ay manatili na lamang sa bahay ng kanyang lalaki na tinukoy nitong si “Paul.”

Dakong alas-5:00 ng hapon, isang maikling video ang kinuha ni Alapar kung saan makikitang sinusunog na nito ang mga damit sa kanilang kuwarto.

Pagkatapos nito, inihatid ng mister ang kanyang cellphone sa pinsan ng kanyang misis at bumalik ito sa nasusunog na bahay kasama ang kanyang anak.

Kaagad na pumunta ang pinsan sa bahay ni Alapar ngunit malaki na ang apoy at hindi ito nakinig nang siya ang sinigawan na lumabas, hanggang sa wala nang nagawa ang mga kamag-anak at naabo ang dalawa.

Sa ngayon, wala pang impormasyon kung uuwi ang OFW wife ng biktima.